MANILA, Philippines- Itinanggi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagpatupad ng reward system sa kontrobersyal na kampanya ng kanyang administrasyon kontra ilegal na droga.
Ayon sa ulat nitong Biyernes, sinabi ni Duterte sa isang panayam na ang tanging pabuyang ibinibigay niya sa mga pulis na matagumpay na nakukumpleto ang kanilang misyon ay pagkain at pagbati.
“‘Yang sinasabi nilang reward, walang reward ‘yan. Hindi ako magbibigay ng reward,” pahayag ng dating Pangulo.
“Ang pinakaano [ng mga pulis] sa akin is ‘pag mission accomplished, yayain ko sila sa restaurant, magkain kami and I congratulate them. Tsaka palainom ang pulis. Bigyan mo ng dalawang boteng scotch…hindi ‘yan tatanggap ng pera. Nahihiya ‘yan,” dagdag niya.
Nauna nang inilahad ni retired police colonel Royina Garma sa House of Representatives Quad Committee na mayroon cash reward kada napapatay sa war on drugs ng administrasyon Duterte na P20,000 hanggang P1 milyon.
Napatay sa war on drugs ng nakaraang administrasyon ang 6,000 drug personalities batay sa tala ng kapulisan, subalit sinabi ng human rights groups na aabot ang mga pagkasawi hanggang 30,000.
“Hindi ko sinasabi na sinadya kong pinatay. Sabi ko nga sa mga sundalo, give them the chance to fight so that if they fight, then, you would be justified in killing them and that is one problem solved for the day. Totoo ‘yan,” giit pa ng dating chief executive. RNT/SA