Home METRO Kasalan dinilig ng dugo, 3 bulagta

Kasalan dinilig ng dugo, 3 bulagta

ILAGAN CITY, Isabela- Parang teleserye na nauwi sa barilan ang masaya sanang kasalan matapos na masawi ang tatlong katao kabilang ang suspek sa Purok 6, Brgy. Centro San Antonio, City of Ilagan, Isabela.

Pinaglalamayan na ng mga kamag-anak at pamilya na parehong binawian ng buhay ang mga biktima na kinilalang sina Charlie Rosete, 49-anyos, magsasaka at Marvin Jake Coloma, 23-anyos, may asawa habang ang suspek naman ay kinilalang si Arnel Bielgo, nasa hustong gulang, magsasaka, may asawa na pawang mga residente ng nasabing lugar.

Dakong alas-3:30 kaninang madaling araw habang nasa kasalan ay bigla na lang umanong nagpaputok ng baril ang suspek na kung saan tinamaan ang unang biktima na si Rosete.

Matapos isagawa ng suspek ang pamamaril ay umalis ito sa pinangyarihan ng insidente ngunit agad namang itong hinabol ng mga barangay tanod at mga residente na nasa lugar.

Habang naghahabulan ay nagpatuloy umano sa pagpapaputok ang suspek kung saan tinamaan naman ang pangalawang biktima na si Coloma na isa sa mga humahabol dito.

Dahil sa patuloy na pagpapaputok ng suspek ay gumanti naman umano ang mga rumespondeng mga tanod at residente sa pamamagitan ng pagbato rito ng bato at tinamaan ang suspek sa ulo na nagresulta sa kanyang pagkasawi.

Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang ginamit na baril na isang caliber 38 revolver na mayroong tatlong basyo ng bala at tatlong live ammunition.

Inaalam ng pulisya kung ano ang motibo sa pamamaril ng suspek sa mga biktima sa madugong kasalan. Rey Velasco