MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na humigit-kumulang 600,000 pamilyang Pilipino ang mas maayos na ang pagkain dahil sa Walang Gutom Program (WGP).
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ito ay batay sa two-round survey na kinomisyon ng Globe Telecom at isinagawa ng Social Weather Stations (SWS). Nilinaw niyang hindi DSWD ang nagpagawa ng survey at ginamit dito ang parehong questionnaire na ginagamit ng SWS sa regular nitong quarterly surveys.
Isinagawa ang survey sa 2,400 respondents sa dalawang panahon: Pebrero 24–Marso 8 at Hunyo 22–Hulyo 1.
Ipinakita ng resulta na bumaba ng 6.7 percentage points ang antas ng gutom sa mga benepisyaryo ng WGP, mula 33.6% sa unang survey hanggang 26.9% sa ikalawa. Mas malaki ito kumpara sa 1.4 percentage-point na pagbaba sa mga hindi benepisyaryo, mula 38.3% hanggang 36.9%.
Bumuti rin ang food security ng mga benepisyaryo. Bumaba ang antas ng food insecurity mula 94.0% hanggang 89.3%, o 4.7 percentage points.
Ayon sa DSWD, ipinapakita ng survey na nagkaroon ng makabuluhang pagbuti sa karanasan ng mga benepisyaryo pagdating sa gutom, kawalan ng pagkain, at kahirapan sa pagkain. (Santi Celario)