MANILA, Philippines – Sinabi ni DSWD Secretary na si Rex Gatchalian na mahigpit na ipatutupad ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act sa paghawak sa kaso ng dalawang menor de edad na sangkot sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay Gatchalian, malinaw ang batas para sa mga batang may edad 15 hanggang 18 na nasasangkot sa krimen, lalo na kung mapapatunayang may “discernment” o alam nilang mali ang kanilang ginawa at may kaakibat itong konsekuwensya.
“Una gusto kong linawin na ang batas natin, napakalinaw ang mga dapat gawin. Marami kasi nagsasabi na baka hindi maparusahan ang dapat maparusahan—quite the contrary. Nakalagay sa batas na ‘pag 15 years old ka pero mababa sa 18 years old, ‘yung criminal liability, hindi ‘yan uubra lalo na kung may discernment,” aniya.
“Ibig sabihin alam ng bata ‘yung ginagawa niya ay mali at alam niya ang may consequences. So sasampahan niyan ng kaso sa korte. Ide-determine ng korte ang discernment ng bata at kung mapapatunayan na mayroong discernment, alam niya ang ginagawa niya,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang korte ang magpapasya kung may discernment ang bata, at ito ang magiging batayan ng susunod na legal na proseso.
Sinabi rin niya na ang mga batang sangkot sa krimen ay hindi mananatili sa kanilang komunidad at ililipat sa Bahay Pag-asa o iba pang youth rehabilitation centers ng DSWD.
“Hindi sila maiiwan sa kanilang komunidad. Kukunin namin sila. When I say kukunin, ibibigay sila sa amin ng korte whether involuntary or kung yung mga magulang nila, voluntary na iso-surrender sa atin or kung yung recommendation ng local social welfare,” aniya.
“In both cases, mawawala sila sa komunidad nila. Ilalagay sila sa Bahay Pag-asa o Rehabilitation Center for the Youth kung saan dadaan sila sa masusing intervention o diversion plan kung tawagin para masigurado natin na angkop yung intervention,” dagdag niya.
Samantala, nagbigay ang DSWD Field Office 8 ng tulong sa mga biktima ng insidente. Umabot sa ₱100,000 ang naibigay sa siyam na sugatan, habang tumanggap ng tig-₱10,000 ang pamilya ng tatlong nasawi sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program.
Nagkaloob din ng psychosocial first aid sa 35 estudyante, dalawang magulang ng mga nasawi, at 11 magulang ng mga sugatang estudyante.
Magkakaroon din ng case conference kasama ang Regional Juvenile Justice and Welfare Committee 8, Tacloban City Social Welfare and Development Office, Public Attorney’s Office, at Regional Prosecutor’s Office upang talakayin ang paghawak sa kaso ng dalawang menor de edad na sangkot sa pamamaril. RNT/MND