MANILA, Philippines – Sa gitna ng imbestigasyon sa pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City, nangako ang Philippine National Police (PNP) na magsasampa ng kaso laban sa mga may-ari ng mga baril na umano’y ginamit sa insidente.
“With all the pieces of evidence available, I expect a solid case that can stand in court,” ayon kay PNP chief na si Jose Melencio Nartatez Jr. nitong Martes.
“Let this serve as a warning to all registered gun owners on the responsibility—and accountability—that comes with the privilege of owning firearms,” dagdag niya.
Nangyari ang pamamaril noong Hunyo 22 nang magpaputok ng baril sa loob ng paaralan ang dalawang Grade 9 students na edad 14 at 15. Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang menor de edad.
Ayon sa PNP, tatlong estudyante ang nasawi at 13 iba pa ang nasugatan sa insidente.
Sinabi ni Allen Rae Co na ginamit ng mga suspek ang isang 9mm pistol na pagmamay-ari ng tiyahin ng 14-anyos na suspek, na miyembro ng Police Regional Office Eastern Visayas (PRO 8), at isang caliber .38 revolver na nakarehistro sa isang security agency sa Cebu. Ang pulis na may-ari ng isa sa mga baril ay nasa restrictive custody habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Police officers and members of other law enforcement agencies must know better since the subject matter is part of their training program,” sabi ni Nartatez.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10591 o Firearms and Ammunition Regulation Act, itinuturing na “loose firearm” ang rehistradong baril na nasa pag-iingat ng ibang tao bukod sa lisensyadong may-ari. Nakasaad din sa batas na ang paggamit nito sa paggawa ng krimen ay maaaring maging aggravating circumstance.
Samantala, sinabi ng National Police Commission na magsasagawa rin ang tanggapan nito sa Eastern Visayas ng hiwalay na imbestigasyon sa posibleng pananagutang administratibo ng pulis na may-ari ng baril.
“This investigation will run parallel and in coordination with the investigation being conducted by the Philippine National Police,” ayon kay Rafael Calinisan.
“This intentional or negligent act of the policewoman in allowing her [nephew] to use her issued firearm led to the death of three teenagers and the wounding of many others. She has a lot of explaining to do,” dagdag niya.
Ayon kay Calinisan, kung mapatunayang may pananagutan ang nasabing pulis, maaari siyang maharap sa kasong grave misconduct o grave neglect na may kaparusahang suspensyon, demotion, o pagtanggal sa serbisyo. RNT/MND