Home NATIONWIDE DSWD nakaantabay sa gitna ng pag-aalboroto ng Mt. Kanlaon

DSWD nakaantabay sa gitna ng pag-aalboroto ng Mt. Kanlaon

MANILA, Philippines- Nagsimula nang maghanda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa posibleng kaganapan sa gitna ng kamakailan lamang na pag-aalboroto ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.

Sinabi ni DSWD Spokesperson and Assistant Secretary for Disaster Response Management Group (DMRG) Irene Dumlao, ang departamento ay may nakahandang mahigit sa P147-milyong halaga ng food at non-food relief items para sa posibleng Kanlaon response operations.

Ang departamento ay mayroon ding P3-million fund na naka-standby.

“We have a total of 37,868 family food packs (FFPs) and more than 15,000 non-food items such as family kits; sleeping kits, hygiene kits, and kitchen kits,” ang sinabi ni Dumlao.

Sa kabilang ako, nagsagawa na ang DSWD ng pag-inspeksyon at nakipag-ugnayan na sa local government units para sa Camp Coordination and Camp Management (CCCM) at Internally Displaced Persons Protection (IDPP).

“The DSWD FO in Western Visayas also inspected the Panaad Stadium in Bacolod City, Negros Occidental in preparation for the possible Kanlaon response operations as the volcano exhibits heightened unrest,” wika ng opisyal.

Samantala, mataas ang posibilidad na itaas pa sa Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon dahil sa patuloy na pag-aalburoto nito at pagtaas ng seismic at volcanic activities nito.

Sa nagpapatuloy na pagtaas ng aktibidad sa bulkang Kanlaon sa Negros Island, nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa mga kalapit na residente para sa posibleng magmatic eruption.

Batay sa 7:00 p.m. na datos ng Phivolcs nitong Miyerkules Setyembre 11, nakapagtala ng ‘record-breaking’ na pagtaas sa ibinugang sulfur dioxide (SO2) gas mula sa bulkan kung saan umabot ito sa 11,556 tonelada.

“Ito na ang pinakamataas na na-record natin instrumentally simula noong nagsusukat tayo ng volcanic gas sa Kanlaon simula noong 2009,” pahayag ni Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas.

“Dahil mataas ang monitoring parameters natin, medyo anomalous po talaga ang mga ito…Tumataas po talaga ang tsansa na magkaroon tayo ng magmatic eruption,” dagdag niya.

Ayon din sa Phivolcs, pawang phreatic o steam-driven eruptions lamang ang naitatala sa Kanlaon at noong 1902 pa ang huling magmatic eruption nito.

Mahigpit na pinag-iingat ng ahensya ang mga residenteng malapit sa bulkan at hinimok na rin ang local government units (LGUs) na ilikas agad ang mga nakatira sa loob ng radius ng permanent danger zone.

“Kapag nagkaroon tayo ng matinding pag-ulan… malamang magkakaroon po tayo ng lahar na sumasabay sa pagputok ng bulkan dahil mabilis na natra-transform at inaanod ang mga abo ng ulan,” paliwanag ni Bornas.

Pinapayuhan din ang publiko sa lugar na magsuot ng N95 mask sakaling makalanghap ng masangsang na amoy mula sa sulfur dioxide. Kris Jose