MANILA, Philippines- Nangako ang bagong election technology provider sa mga botanteng Pilipino na magiging “glitch-free” ang mga botohan sa susunod na taon.
Sinabi ni Ken Cho, Bise presidente para sa Overseas Sales ng Miru Systems Company Limited, na nakagawa sila ng mga maaasahang automated counting machine (ACMs) na sumailalim sa mahigpit na stress test sa loob ng ilang araw bago tuluyang naihatid sa Pilipinas.
Ayon kay Cho, sinuri nila ang lahat at samakatuwid ay nakapaghatid ng mas maaasahang mga ACM kaya naman hindi aniya sila nababahala.
Sinabi pa ni Cho na pagdating sa bansa ay dumaan pa sa karagdagang hardware acceptance test at kumpiyansang may ibibigay silang mabuti para sa mga mamamayan ng Pilipinas.
Inilabas ni Cho ang pahayag matapos akusahan ng isang kongresista at isang mayoralty aspirant si Comelec chairman George Erwin Garcia na tumanggap umano ng hindi bababa sa P1 bilyong bribe money mula sa South Korean firm.
Itinanggi ni Cho ang mga paratang.
Ginawa ng Miru Systems ang unang HAT nito sa unang batch ng mga ACM na dumating sa Pilipinas. Nangako ang kompanya na makukumpleto ang paghahatid ng 110,000 ACM sa susunod na buwan.
Nakatanggap ang Comelec ng kabuuang 27,500 ACMs mula sa South Korea, na susundan ng 30,000 units pa, ani Garcia. Aniya, sa mga subok na ACM, 856 na ang nakapasa sa HAT.
Sinabi ni Garcia na sinusuri nila ang bawat bahagi ng hardware ng mga makina.
“We have to adopt the highest quality standard because we deserve no less. That’s value for money,” sabi ni Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden