Home METRO DSWD: Pagkain sa ‘Walang Gutom Kitchen’ malinis

DSWD: Pagkain sa ‘Walang Gutom Kitchen’ malinis

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na malinis at ligtas ang pagkaing inihahain sa Walang Gutom Kitchen sa Pasay City.

Sa ginanap na Thursday Media Forum sa New Press Center sa DSWD Central Office, sinabi ni Social Technology Bureau (STB) Officer-in-Charge Division Chief Jason Oabel na mahigpit nilang ipinapatupad ang “first in, first out” system sa Walang Gutom Kitchen upang masiguro na ang mga donasyong pagkain mula sa mga private sector-partners ay maihain ng maayos sa mga kliyente nito na nagtutungo sa nasabing food kitchen.

“Unang-una po, ang tinitingnan natin d’yan ay yung expiration dahil very important po ‘yon. Dahil nga po ito ay mga pagkain, amin pong maigting na ini-implement ang first in, first out para ma-ensure natin na yung mga binibigay nating pagkain ay hindi makasasama sa ating mga kababayan na nag-aavail ng serbisyo ng Walang Gutom Kitchen,” sabi ni OIC Division Chief Oabel.

Dagdag pa niya, “Even po yung mga allergens ay tinitingnan at kinukuha po yung mga ganoong datos.”

Kaugnay nito tumatanggap aniya ng kahit na anong food donation ang Walang Gutom Kitchen basta ito ay tiyak na malinis at ligtas at hindi tira-tira o “pagpag”.

“Ang kanila pong donation ay surplus, hindi po ito tira-tira at hindi po talaga ito nai-serve pa. Halimbawa po, ang New World Hotel, a member of the Philippine Hotel Owners Association (PHOA), nagdo-donate po sila sa amin ng packed meals. Ito po ay talagang naka-pack at hindi po ito pinagsama-samang pagkain,” sabi pa ng division chief.

Gayundin, sinabi ni OIC-DC Oabel na bukod sa mga packed food, ang Walang Gutom Kitchen ay tumatanggap din ng mga donasyong tulad ng gulay at iba pang sahog na panluto.

Samantala, maaari naman makipagugnayan ang mga private partners at indibidwal na nais tumulong o mag-volunteer sa Walang Gutom Kitchen sa mga numerong 0916-829-7202 o [email protected]. (Santi Celario)