Home NATIONWIDE DSWD sa DBM: P875M quick response fund punan

DSWD sa DBM: P875M quick response fund punan

MANILA, Philippines- Hiniling ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Department of Budget and Management (DBM) ang agarang pagpupunan sa Quick Response Fund (QRF) ng departamento.

Sinabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na inaasahan niya na mare-replenish o mapupunan ng DBM sa susunod linggo ang QRF nito.

Layon nito na matiyak na walang magiging hadlang sa disaster response matapos tumama ang tatlong tropical cyclones sa bansa sa loob lamang ng tatlong linggo.

Sinabi ni Dumlao, isa ring Assistant Secretary for Disaster Response Management Group, na mayroon pang P107 million na standby funds ang departamento.

“We also have more than 1.3 million family food packs strategically prepositioned across the country, but we have also requested already for augmentation support from the DBM. And then currently, it is already under review,” ang winika ni Dumlao.

Sinabi pa nito na nag-request ang DSWD ng P875 million mula sa DBM, na magiging direktang tulong sa mga pamilya na apektado ng Severe Tropical Storm Kristine, Typhoon Leon, at Typhoon Marce, at sa mga darating na masamang panahon.

Sa kabilang dako, sinabi naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na patuloy ang paghina ng bagyong Marce subalit mayroon namang namataan na low-pressure area na papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) araw ng Sabado.

Tinuran ni Dumlao na ang pondo ay mahalaga para mapanatili ang patuloy na pagkuha ng food items at pandagdag sa relief aid. Kris Jose