Home METRO P5M pekeng gatas para sa mga senior, diabetic nasamsam ng NBI

P5M pekeng gatas para sa mga senior, diabetic nasamsam ng NBI

MANILA, Philippines- Nasabat ang hindi bababa sa P5 milyong halaga ng pekeng gatas para sa mga senior citizen at diabetic sa isang bodega sa Cainta, Rizal kasunod ng reklamo ng isang brand.

Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) ang bodega sa loob ng isang subdivision ayon sa ulat.

Nadatnan ng mga operatiba ang mga pekeng produkto na naka-pack at handa nang i-deliver sa mga nag-order online sa mas mababang presyo.

Ayon sa NBI, dumulog sa kanilang tanggapan ang isang pagawaan ng espesyal na gatas na may namemeke ng kanilang produkto.

Nang makumpirma ng NBI-IPRD, agad na ikinasa ang operasyon kung saan nasa 4,000 milk cans ang nakumpiska.

Sa pekeng produkto, nakadikit lamang sa lata ang sticker o label hindi tulad sa orihinal na produkto na nakaprint mismo sa lata.

Sasampahan ng reklamong trademark infringement at unfair competition ang kumpanya na nasa likod ng pamemeke sa produkto.

Naghain din ang NBI ng motion for destruction para sirain ang lahat ng pekeng milk products.

Pinaalalahanan na rin ng NBI ang publiko na bumili lamang ng mga produkto mula sa lehitimong supermarkets o tindahan. Jocelyn Tabangcura-Domenden