Home NATIONWIDE DSWD sa TESDA: 4Ps senior HS graduates iprayoridad

DSWD sa TESDA: 4Ps senior HS graduates iprayoridad

MANILA, Philippines- Hinikayat ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na iprayoridad ang 4Ps senior high graduates para sa skills training opportunities para makatulong na makapagtayo ng mas maliwanag na kinabukasan.

Sa katunayan, nagpulong ang mga opisyal ng DSWD sa pangunguna ni Gatchalian at TESDA Director-General Jose Francisco Benitez, araw ng Lunes, Setyembre 23 para talakayin ang “preferential treatment” para sa mga senior high school graduates na kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries sa TESDA admissions.

Nagbigay naman ng briefing si DSWD Undersecretary for 4Ps Vilma Cabrera, kasama sina Assistant Secretary Maritess Maristela ng National Household Targeting System at 4Ps (NHTS-4Ps) at 4Ps National Program Manager Director Gemma Gabuya, sa mga children-beneficiaries na nakompleto na ang senior high school sa nakalipas na tatlong taon at inaasahang ga-graduate o matatapos sa susunod na tatlong taon.

Itinatag ang TESDA sa ilalim ng Republic Act 7796, mas kilala bilang “Technical Education and Skills Development Act of 1994,” ahensiya ng pamahalaan na responsable para sa pangangasiwa ng technical education at skills development sa bansa.

Samantala, ang mga opisyal ng TESDA na dumalo sa pulong ay sina Community-Based Technical Vocational Education and Training Office Executive Director Lorenzo Emanuel Guillermo; Regional Operations Management Office (ROMO) Assistant Executive Director Glenford Prospero; ROMO Regional Operations Management Division Chief Rea Dalumpines; Deputy Director for Policies and Planning Rosanna Urdaneta; at Planning Office Executive Director Charlyn Justimbaste.

Kasama rin na dumalo sa miting ang mga taga-DSWD na sina 4Ps Beneficiary Data Management Division Chief Mary Rose Oquindo at 4Ps Institutional Partnership Division Chief Khristina Umali. Kris Jose