MANILA, Philippines – Nangangalap ang Department of Trade and Industry (DTI) ng P2 bilyong pondo para tulungan ang mga negosyong apektado ng bagyong Kristine.
Sa panayam ng DZBB, sinabi ni Trade Secretary Cristina Roque na pag-uusapan nila ngayong linggo kung kailangan pa ang karagdagang pondo para sa
kanilang “enterprise rehabilitation fund”.
“The minimum loan can go as low as P10,000. But the maximum loan is P300,000. So this loan is really mostly to help the micro, small, and medium enterprises,” ani Roque.
Sinabi pa niya na ang mga interesadong negosyante at entrepreneurs ay maaaring makapag-avail ng ponding ito hanggang Disyembre 31, 2024.
Sa datos noong 2020 mula sa Philippine Statistics Authority, 99.51 percent ng lahat ng mga negosyo sa Pilipinas ay MSMEs, na nagsisilbing backbone ng ekonomiya ng bansa.
Inanunsyo ng pinuno ng DTI na ang loan facility ay may zero interest sa unang taon, at magkakaroon lamang ng 1% interest sa mga susunod na taon.
Wala ring principal payment o collateral na kailangan para sa mga apektado ng bagyo na nais mag-avail ng loan.
Ang mga negosyante na interesadong mag-avail ng “enterprise rehabilitation fund” ay maaaring bumisita sa website ng Small Business Corporation ng DTI. RNT/JGC