MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Trade and Industry sa mga retailer at reseller na magtataas ng presyo o masasangkot sa overpricing sa kabila ng umiiral na price freeze kasunod ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu.
Nilinaw ng ahensya na hanggang nitong Sabado, Oktubre 4, ay wala pa namang pormal na reklamong iniuulat patungkol sa overpricing.
Sa ilalim ng Price Act (Republic Act 7581 as amended by RA 10623), sa deklarasyon ng state of calamity ay awtomatiko ring ipinatutupad ang 60-day price freeze sa basic commodities katulad ng bigas, canned goods, instant noodles, bottled water, kape, asin, asukal, kandila at iba pa.
Maaaring maharap sa reklamong administratibo at hanggang P1 milyon na multa ang lalabag dito. Posible rin ang hanggang 10 taong pagkakulong.
“The price freeze is mandated by our Price Act. Whenever a calamity is declared, prices of basic necessities must be automatically frozen at their prevailing levels,” pahayag ni Engr. Kent Paden, Officer-in-Charge ng Consumer Protection Division ng DTI Cebu. RNT/JGC