
MANILA, Philippines – NASA higit 170 bag ng dugo ang naipon sa isinagawang “bloodletting activity” ng National Press Club of the Philippines (NPC) katuwang ang Philippine Red Cross (PRC) nitong Biyernes, Enero 17, 2025.
Ang naturang proyekto na may temang “Dugo Alay sa Buhay” ay sinimulan dakong alas-8 ng umaga sa ika-5 palapag ng NPC Building, Magallanes Drive, Intramuros, Maynila.

Ayon kay NPC President Leonel “Boying”Abasola, nakiisa sa nasabing proyekto at nag-alay ng kanilang dugo ang mga tauhan ng Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Philippine Air Force, Philippine Navy, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology.
Layon ng nasabing aktibidad na makatulong sa mga tao na kailangang masalinan ng dugo, partikular na ang mga miyembro ng mga mamamahayag, upang madugtungan ang kanilang buhay sa oras ng kanilang pangangailangan.
Kasama ni Abasola sa nag-asikaso sa nasabing proyekto sina NPC Vice President Benny Antiporda, Treasurer Mina Navarro, Sec. Tina Maralit, Auditor Lydia Bueno, Directors Aya Yupangco, JR Reyes, Madz Dominguez at Benedict Abaygar.