Home NATIONWIDE Pananagutan ng handler ng nasawing OFW sa Kuwait pag-aaralan ng DMW

Pananagutan ng handler ng nasawing OFW sa Kuwait pag-aaralan ng DMW

(via Jocelyn Tabangcura- Domenden)

MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng Department of Migrant Workers (DMW) kung ano ang magiging pananagutan ng shipping handlers ng bangkay ng isang Filipino Overseas Workers na namatay sa Kuwait dahil umano sa coal suffocation mula sa heating system sa kanyang pinagtatrabahuhan.

Sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni DMW secretary Leo Hans Cacdac, kanila ring aalamin ang naging imbestigasyon ng Kuwaiti authorities sa tunay na dahilan ng pagkamatay ng Pinay na si Jenny Alvarado.

Ayon kay Cacdac, matapos nilang mapag-alaman na mali ang bangkay na dumating sa kanyang pamilya, agad itong humingi ng paumanhin sa pamilya at tiniyak ang agarang pagpapauwi sa labi ng OFW.

Huwebes ng gabi, Enero 16 , dumating na ang bangkay ni Alvarado at kasama rin ang kalihim sa pagsalubong sa airport cargo facility.

Ayon pa kay Cacdac, kasama rin siya nang dalhin sa puneraraya ng bangkay ng OFW.

Sinabi rin ni Cacdac na sasailalim sa autopsy mula sa National Bureau of Investigation (NBI) upang malaman ang totoo ang inihayag ng mga awtoridad sa Kuwait.

Tiniyak ng kalihim na gagawa ang DMW ng agarang legal na action kung may pananagutan ang employer ng OFW . Sa ngayon aniya ay inaantabayan pa ng DMW ang ulat ng abogado mula sa ahensya na nasa Kuwait.

Si Alvarado ay pumanaw noong Enero 2 at na-repatriate ang kanyang bangkay sa Pilipinas ngunit ang paghihinagpis ng pamilya ay napalitan ng galit nang madiskubreng maling bangkay ang naipadala sa kanila.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ,isang bangkay na pinaniniwalaang mula sa Nepal ang dumating sa bansa sa halip na ang labi ni Alvarado. (Jocelyn Tabangcura- Domenden)