MANILA, Philippines – Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang nakababahalang pagdami ng mga Pilipinong umaalis sa bansa sa pamamagitan ng mga di-opisyal na ruta, o tinatawag na backdoors.
Mula Enero hanggang Setyembre 2025, 176 na kaso ang naitala—17.33% na pagtaas kumpara sa parehong panahon noong 2024.
Ayon kay Kristina Panopio, Administrative Supervisor ng BI’s Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), kailangan ng mas mahigpit na maritime surveillance, pakikipagtulungan ng mga ahensya, at kooperasyon sa rehiyon upang masolusyonan ang suliraning ito.
Ang mga pangunahing di-regular na ruta ay matatagpuan sa Zamboanga, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, at Palawan, patungo sa Malaysia at iba pang bansa sa Timog-Silangang Asya. Ang mga ruta ay ginagamit ng mga trafficker at ilegal na recruiter upang makaiwas sa opisyal na proseso ng imigrasyon.
Marami sa mga Pilipinong umaalis sa ganitong paraan ay nauuwi sa trabaho bilang domestic helper, sa pangingisda, sapilitang paggawa, o sekswal na pagsasamantala.
Karaniwang iiwas sa international airports at sasakay sa mga maliit na bangka nang walang dokumento o record ng pag-alis, kaya mataas ang panganib nilang maabuso o mapagsamantalahan. Dave Baluyot