BULACAN, Philippines – Patay ang truck driver nang aksidenteng makabanggaan ang isa pang kapwa truck sa North Luzon Expressway (NLEX) sakop Guiguinto nitong Agosto 11.
Sa report ng pulisya, kinilala ang nasawi na si alyas Joselito, residente ng Dampol 2A, Pulilan.
Ayon sa report, binabaybay ng dalawang cargo truck ang northbound bandang 5:10 ng umaga nang aksidenteng magkasagian at tuluyang magkabanggaan ang mga ito.
Nabatid na habang binabaybay ng Hino cargo truck na minamaneho ni alyas Marco ang lane 2 nang aksidenteng mabangga ang kaliwang likurang bahagi ng Isuzu cargo truck na minamaneho ni Joselito na nasa lane 3.
Dahil sa banggaan, nagtamo ng mga sugat sa katawan si Joselito na agad dinala ng rumespondeng ambulansya sa ospital para sa paunang lunas subalit binawian na ito ng buhay. (Dick Mirasol III)