Bulacan – Arestado ang isang rider na umano’y pumalag at nakipagbuno sa mga pulis na pumara sa kanila sa COMELEC checkpoint sa bayan ng Calumpit.
Kinilala ni Bulacan Police Director PCOL. Satur Ediong ang suspek sa alyas Raul habang nakatakas ang hindi nakilalang kasamahan.
Sa report ng Bulacan1st Provincial Mobile Force Company (1st PMFC), nangyari ang insidente bandang 8:30 ng gabi nitong Enero 12 sa Brgy. Gatbuca.
Ayon sa report, pinara nila ang magka-angkas sa motorsiklong walang plaka na padaskol-daskol magmaneho at walang suot na helmet.
Imbes na makiisa ay pumalag ang mga ito at inatake ang pumarang pulis sa lugar hanggang sa magkaroon ng komosyon kaya nakatakas ang isa sa rider.
Nang rekisahin ng mga pulis ang naarestong suspek ay nakumpiskahan umano ng caliber .38 pistol, dalawang sachets na hinihinalang shabu na may standard drug price na P27,200 at maroon Gialing motorcycle.
Nahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso habang nasa kustodiya ng Bulacan 1st PMFC. Dick Mirasol III