Home NATIONWIDE Kawalan ng campaign funds ‘di basehan sa pagdedeklarang nuisance candidate – SC

Kawalan ng campaign funds ‘di basehan sa pagdedeklarang nuisance candidate – SC

MANILA, Philippines – Muling nagpaalala ang Korte Suprema na ang kawalan ng sapat na pondo para sa isang nationwide campaign ay hindi sapat na basehan para agad ideklarang “nuisance candidate” ang isang kandidato.

Sa isang desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, isinantabi ng Supreme Court En Banc ang mga resolusyon ng Commission on Elections na nagkansela sa certificate of candidacy ni Juan Juan Olila Ollesca, isang business owner, na tumakbo sa pagka-pangulo sa eleksiyon noong 2022.

Ayon sa COMELEC, hindi kilala si Ollesca at wala siyang sapat na pondo.

Sinabi ng Korte Suprema, ang pangunahing basehan sa pagdeklara ng isang nuisance candidate ay ang kawalan ng tunay na intensyon na tumakbo para sa isang pampublikong posisyon.

Maaaring tingnan ang kawalan ng kakayahan na mag-organisa ng isang nationwide campaign dahil hindi siya kaanib ng anumang partido o ang kawalan ng rekord ng public service.

Pero, dagdag ng Korte, hindi dapat tingnan lang ang pagkakaroon ng pondo, ang pagiging miyembro ng isang partido, ang pagiging kilala sa buong bansa, o ang posibilidad na manalo sa halalan.

Paliwanag ng Korte, nabigo ang COMELEC na patunayang walang tunay na intensyong tumakbo si Ollesca.

Paalala ng Korte, lahat ng mga mamamayan sa isang demokrasya, mahirap man o mayaman, ay may karapatang tumakbo para sa isang pampublikong posisyon pero kailangan itong balansehin sa mga praktikal na mga hadlang na kinakaharap ng Commission on Elections sa pagtaguyod ng isang malaya, patas at mapayapang halalan. TERESA TAVARES