Home NATIONWIDE Durugistang vlogger arestado sa Davao buy bust

Durugistang vlogger arestado sa Davao buy bust

DAVAO CITY – Arestado ng National Bureau of Investigation ang isang 28-anyos na vlogger sa isang buy-bust operation sa isang restobar dito noong Biyernes ng gabi, Agosto 16.

Kinilala ng NBI-Southeastern Mindanao Regional Office ang suspek na si Christ Briand P. Oncada, alyas “Christ Briand” sa Facebook.

Inaresto si Oncada sa Surf Shack 2.0 Davao matapos itong magbenta ng isang limang gramo na sachet ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P2,000, isang 30-milliliter na bote ng hinihinalang marijuana oil, at isang dalawang-milliliter na bote ng hinihinalang marijuana oil sa poseur-buyer.

Narekober din mula sa suspek ang 38 sachet ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na tumitimbang ng 35 gramo, tuyong dahon ng marijuana na natatakpan ng plastic wrap, isang 30-milliliter bottle ng marijuana oil, at 15 maliit na bote na may label na “Love and Respect” bawat isa na hinihinalang may marijuana oil.

Nagbebenta si Oncada ng mga pabango na may katulad na label sa kanyang Facebook page.

Ang social media influencer ay mayroong 58,000 followers simula noong Sabado.

Nahaharap si Oncada sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang Seksyon 5 ay nagpaparusa sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot habang ang Seksyon 11 ay ang pagkakaroon ng mga mapanganib na droga.

Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Davao. RNT