Home NATIONWIDE Duterte, haharap sa paglilitis sa ICC

Duterte, haharap sa paglilitis sa ICC

113
0

THE HAGUE, Netherlands – Haharap sa paglilitis sa International Criminal Court si Rodrigo Duterte matapos kumpirmahin ng mga hukom ang mga kasong crimes against humanity laban sa kanya.

Ayon sa tribunal na nakabase sa The Hague, “unanimously confirmed all the charges” laban kay Duterte kaugnay ng kanyang war on drugs at “committed him to trial before a Trial Chamber.”

Ito ang kauna-unahang paglilitis laban sa isang dating head of state mula sa Asia.

“Next steps: Upon the transfer of the case to a Trial Chamber, the Trial Chamber will decide on the next steps. Trials at the ICC are fair and impartial, and the Defence will have sufficient time to prepare its case, while respecting the rights of victims,” ayon sa ICC.

Nauna nang ibinasura ng ICC ang hamon ng kampo ni Duterte sa hurisdiksyon ng korte. Iginiit ng depensa na wala nang kapangyarihan ang ICC dahil umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute, ngunit sinabi ng prosekusyon na saklaw pa rin ng ICC ang mga alegasyon dahil naganap ang mga ito noong miyembro pa ang bansa.

Noong Oktubre, pumanig ang pre-trial chamber sa prosekusyon at sinabi na nagsimula ang imbestigasyon bago pa umatras ang Pilipinas sa ICC—isang desisyong pinagtibay ng appeals court.

Sa mga pagdinig noong Pebrero, iginiit ng prosekusyon na responsable si Duterte sa libu-libong pagkamatay sa kampanya kontra droga. Itinanggi naman ito ng depensa, na nagsabing walang “smoking gun” na direktang nag-uugnay sa kanya sa mga pagpatay.

Hindi dumalo si Duterte sa pagbasa ng desisyon. Huli siyang nakita sa kanyang initial appearance sa pamamagitan ng videolink noong Marso 2025 matapos ang kanyang pag-aresto at paglipat sa The Hague. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here