MANILA, Philippines – Inihayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, Oktubre 28 sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa extrajudicial killings sa war on drugs ng kanyang administrasyon, na mayroon siyang death squad.
Sa kabila nito, nilinaw niyang hindi mga pulis ang sangkot dito kundi ang mga indibidwal na tinawag niyang “gangsters.”
“Ako, makulong sa makulong. I can make the confession now if you want. Talagang niyayari ko pero ‘wag mo naman [idamay iyong] pulis, kawawa naman,” sinabi ni Duterte.
“Meron akong death squad pero hindi ‘yung mga police. Sila rin yung mga gangster,” dagdag pa niya.
“Iyong isang gangster, utusan ko, patayin mo yan. Kasi kung hindi mo patayin ‘yan, patayin kita ngayon.”
Sinabi ng dating Pangulo na hindi kasali sa death squad ang mga pulis dahil mahaharap ang mga ito sa suspensyon at madadamay pa ang kanilang mga pamilya.
“Ang pulis na finilean ng kaso, suspended ‘yan. Wala ng pagkain ‘yan. The day that the suspension is issued, ang mga pamilya nila wala ng pera, ang mga bata wala ng pamasahe, hinto lahat. Paralyzed ang pamilya ng polis,” pahayag ni Duterte.
Matatandaan na nauna nang inihayag ni Retired Police Colonel Royina Garma sa House QuadComm na ang nationwide anti-drug war ng pulisya ay inihalintulad sa Davao model kung saan mayroong pabuya sa mga pulis sa bawat mapapatay na drug suspect.
Ani Garma, ang reward ay mula P20,000 hanggang P1 milyon sa bawat mapapatay. RNT/JGC