
MANILA, Philippines – Tumuntong si Rafael Dytoc ng PTBA-U&1 sa tuktok ng podium
matapos maitakas ang kampeonato sa Classified Master Division ng 2nd Remate Open Championships
na ginaganap sa Playdium Bowling Center sa Quezon City.

Ang 2nd Remate Open Championship ay suportado ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PSCO).
Umiskor si Dytoc ng 1,757 points upang makuha ang korona at maibulsa ang tumataginting na P60,0000 cash prize at napakagandang trophy.
Nanguna sa pagbibigay ng award sina MTBA Directors Scott Tan, Johnny Lugay at Remate CEO Benedict Antiporda.
Naging dikdikan ang laban sa pagitan nila ni Aaron Tinio (CKTBA) na hinirang na 1st runner sa nasabing event matapos umiskor ng 1,734 na halos 23 points na kalamangan sa hinirang kampeon.
Dahil dito, naibulsa ni Tinio ang 1st runner-up finish at nagkasya sa P30,000 cash prize plus trophy.
Halos hindi rin malayo ang agwat ng puntos ni Tinio kay 2nd runner-up Sean Esmilla (PBA) na umiskor ng 1,727 at kinapos lang ng 7 points.
Tumanggap si Esmilla ng P15,000 cash prize at trophy at nangakong mas huhusayan pa niya sa susunod na mga kumpetisyon o sa inaasahang pagsiklab ng 3rd Remate Open Championships sa Disyembre 2026.
Nakuha naman ni Renz Dela Cruz (PTBA-Henrich) ang 4th runner-up finish sa iskor na 1,697 at kumubra ng cash prize na P8,000 plus trophy.
Nagwagi rin sina Joel Lasam (PTBA) at Xander Lim bilang 5th at 6th runner-ups at nakapag-uwi ng premyong P5,000 at P4,000, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Hindi rin nagpa-iwan si Benjamine Antiporda ng MTBA-Remate at hinirang na 7th place ng palaro na may premyong P4,000 habang si Francis Manalaysay ng PSB-Viking ay 8th place at kumuha ng P4,000 cash prize.







