MANILA, Philippines – Palalakasin ng Department of Education (DepEd) ang pagsusulong nito para sa learning recovery kasabay ng pag-inspeksyon ni Education Secretary Sonny Angara sa rollout ng School-Based Feeding Program (SBFP) at Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) initiative sa dalawang pampublikong paaralan sa Las Piñas.
Nitong Biyernes, Disyembre 5, binisita ni Angara ang Moonwalk Elementary School at Talon Elementary School, na kinilala sa kanilang pagiging angat sa literacy at matibay na paghahatid ng feeding services.
Ang pagbisita ay bahagi ng nationwide monitoring effort ng DepEd sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang reading recovery at palakasin ang suporta para sa vulnerable learners.
Sa pagbisita, tumulong si Angara sa pamamahagi ng hot meals, pag-obserba sa ARAL sessions, at nagsagawa ng dialogue kasama ang mga guro para makakuha ng ground-level insights sa mga intervention na maaaring palawakin pa sa iba’t ibang dibisyon.
Samantala, tinukoy ang Moonwalk ES, bilang second-best SBFP implementer ng dibisyon na mayroong 789 feeding beneficiaries ngayong school year at inilunsad ang ARAL tutorials noong nakaraang Setyembre na nagpakita ng malakas na program innovation sa pamamagitan ng reading initiative na isinama sa feeding sessions.
Sa 1:11 tutor-learner ratio, sinabi ng mga guro na nakatulong ang feeding at tutorial pairing para mapabuti ang attendance at reading stamina para sa most vulnerable learners.
Nanguna ang Talon ES, sa Las Piñas Schools Division Office sa National Achievement Test.
Ani Angara, ang mga pagpapabuting ito ay susuportahan at palalawakin sa ilalim ng proposed 2026 budget. RNT/JGC