MANILA, Philippines – Pwede nang makapagbayad ng multa sa mga paglabag sa batas-trapiko sa e-wallet platform na GCash, sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ay sa paglulunsad ng bagong feature ng “May Huli Ka” website kung saan pumirma rin ang ahensya ng memorandum of agreement sa G-Xchange Inc. para sa pagbabayad ng mga multa sa pamamagitan ng naturang plataporma.
Ayon kay Edgardo Layug, pinuno ng GCash for Business, binabaan ang convenience fees sa P7 mula P12 para sa inisyatibo ng pamahalaan.
Ito ay naaayon sa target na makapagbigay ng accessible payment methods para sa mga magbabayad ng multa ng MMDA.
Kailangang maghintay ng one business day ang mga motoristang magbabayad ng multa para pumasok ang kanilang bayad.
Sa pamamagitan ng “May Huli Ka” website, maaari nang makita ng mga motorista ang kanilang violation records online at bayaran ito sa kanilang partner fintech.
“With the new features made available in the May Huli Ka website, motorists can now check on their records anytime and anywhere as we continually improve on the system and make it more inclusive,” pahayag ni MMDA chair Romando Artes. RNT/JGC