MANILA – Simula ngayong school year, isa pang track ang madadagdag sa curriculum ng senior high school ng Department of Education na naglalayong magbigay ng kasangkapan sa mga mag-aaral na maging “Filipino entrepreneurs and digital leaders”.
Nilagdaan nitong Huwebes ng Department of Education (DepEd), Department of Trade and Industry (DTI) at Thames International School ang isang memorandum of agreement para sa pagsasama ng ‘e-commerce track’ sa senior high school education.
Sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na makakatulong ito sa mga mag-aaral na makahanap ng madaling makuha at in-demand na trabaho kapag sila ay nakapagtapos ng senior high school.
“Isa ito sa utos ng ating Pangulo, bigyan natin ng trabaho, bigyan natin ng ating pag-asa ang ating mga kabataan. Pero bago natin bigyan sila ng trabaho, bibigyan natin sila ng karanasan, kailangan natin bigyan sila ng kaalaman, at iyan. ang trabaho ng DepEd,” sabi ni Angara sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagpirma.
Ang bagong track ay tututuon sa mga kasanayang kailangan ng mga mag-aaral sa larangan ng digital marketing, supply chain at logistics, data analytics, online security computer system.
Ang pilot program isasagawa ng Thames International School sa 50 piling paaralan sa National Capital Region, Central Luzon at Calabarzon para sa humigit-kumulang 1,000 mag-aaral sa unang taon ng pagpapatupad.
Sa mga susunod na taon, sasanayin ng Thames International ang mga paaralan ng DepEd para sa pagpapalawak ng programa.
Sa kanyang bahagi, sinabi ni outgoing Trade Secretary Alfredo Pascual na positibo siya sa nasabing hakbang at magbibigay ito sa mga mag-aaral ng mga teknikal na kasanayan para sa e-commerce at mapagyayaman ang isang entrepreneurial mindset sa kanila. RNT