MANILA, Philippines – Pinayagan ng Commission on Elections (Comelec) na magpatuloy ang apat na programa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kabila ng umiiral na public spending ban kaugnay ng nakatakdang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2. Ang BSKE ay nananatiling nakatakda sa petsang ito hangga’t walang bagong batas na nagpapaliban dito.
Sa Memorandum No. 26-04935, inaprubahan ni Comelec Chairperson George Garcia ang exemption para sa Service Contracting Program–EDSA Busway Extension, Love Bus “Libreng Sakay,” Fuel Subsidy Program at Public Transport Modernization Program.
Saklaw ng exemption ang P51 milyon para sa EDSA Busway Extension, P940 milyon para sa Love Bus, P1.785 bilyon para sa Fuel Subsidy Program at P1.5 bilyon para sa Public Transport Modernization Program, o kabuuang P4.276 bilyon.
May kondisyon naman ang Comelec na hindi maaaring makilahok ang mga elective official, kandidato, nominee at aspirant sa pamamahagi ng ayuda, at hindi dapat gamitin ang mga programa upang maimpluwensiyahan ang halalan.
Inatasan din ang LTFRB na magsumite sa Comelec ng implementing guidelines at periodic reports hinggil sa mga pondong inilabas. Maaari umanong bawiin ang exemption kapag hindi nasunod ang mga isinumiteng alituntunin.
Umiiral ang election-related spending ban mula Setyembre 18 hanggang Nobyembre 1. Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal sa itinakdang panahon ang ilang paglalabas at paggastos ng public funds, maliban sa mga programang nabigyan ng exemption ng Comelec.
Nauna nang nagbigay ang Comelec ng kahalintulad na exemption sa fuel subsidy at ilang transport programs noong 2023 upang maipagpatuloy ang tulong sa transport sector habang may election spending restrictions. RNT