Home METRO EDSA busway violators noong Marso, bumaba – MMDA

EDSA busway violators noong Marso, bumaba – MMDA

MANILA, Philippines – Bumaba na ang bilang ng mga nahuhuling lumalabag sa pagdaan sa EDSA busway noong buwan ng Marso.

Sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), bumaba na lamang sa 16 ang bilang ng mga nahuling lumabag sa bus lane mula sa 227 sa unang linggo ng Enero.

“Bunga ng istriktong pagpapatupad ng MMDA ng EDSA Bus Lane policy, patuloy na nababawasan ang bilang ng mga pasaway na motorista na nahuhuling dumadaan dito,” saad sa pahayag ng MMDA.

Samantala, nasa kabuuang 1,051 drivers ang nahuli dahil sa paggamit ng bus lane mula Enero hanggang Marso.

Sa nasabing bilang, mga motorcycle rider ang may pinakamaraming violations sa 783, sinundan ng mga kotse sa 205, van sa 29, taxi sa 21, at iba pang sasakyan sa 13.

“Ang disiplina at kooperasyon ng lahat, pribado man o publiko, ay mahalaga para maresolba ang problema sa trapiko,” anang MMDA.

Tanging ang EDSA Carousel bus, on-duty ambulance, fire truck, at mga sasakyan lamang ng Philippine National Police, ang pinapayagang gumamit ng EDSA busway.

Para naman sa government officials, ang pinapayagan lamang na dumaan dito ay ang Pangulo, Senate President, Speaker of the House of Representatives, at Chief Justice ng Supreme Court.

Ang mga motoristang mahuhuli ay magmumulta ng hanggang P30,000. RNT/JGC