Home HOME BANNER STORY EDSA rehab sisimulan sa kalagitnaan ng Hunyo

EDSA rehab sisimulan sa kalagitnaan ng Hunyo

MANILA, Philippines – Inaasahang magsisimula sa kalagitnaan ng Hunyo ang rehabilitasyon ng EDSA, ayon sa Department of Transportation (DOTr) nitong Martes, Mayo 20.

Ang pahayag na ito ni DOTr Secretary Vince Dizon ay kasabay ng inspeksyon ni Dizon sa EDSA busway stations.

Nitong Lunes, Mayo 19, ay nagkita-kita ang mga opisyal ng DOTr, Department of Public Works and Highway, at Metropolitan Manila Development Authority para isapinal ang mga plano para sa EDSA Rebuild Program.

“Nag-meeting kami ng DPWH at MMDA kahapon. At ngayon dahil nga kumplikado itong pagre-rebuild natin ng EDSA, ang target ay middle of June. ‘Yun ang talagang kailangan masimulan na,” ani Dizon.

Ang rehabilitasyon ng EDSA ay bahagi ng paghahanda ng bansa sa pag-host para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa susunod na taon.

Dagdag pa, magpapatuloy ang operasyon ng EDSA Busway sa kabila ng rehabilitation works, bagamat gagalaw ito ng isang lane at magkakaroon naman ng isang lane ang mga pribadong sasakyan.

Kabilang sa mga unang lugar na maaapektuhan ng EDSA rehabilitation ay mula Roxas hanggang Guadalupe.

Samantala, ipinanukala naman ng DOTR sa pamunuan ng Skyway na gawing libre ang toll sa mga bahagi ng kalsada na may mga apektadong motorista.

Posibleng abutin naman ng dalawang taon ang rehabilitasyon ng EDSA.

“Maga-announce kami very soon ng ating kailangan gawin para kahit papaano, alam naman natin na magtatrapik ‘yan sobra. Hindi natin itatanggi ‘yan. Kailangan maintindihan ng mga kababayan natin ‘yun,” sinabi pa ni Dizon.

“Pero hindi naman wala tayong gagawin. Sabi nga ng Pangulo kahapon kailangan ‘yung pang-araw-araw na pangangailangan ng mga kababayan natin kahit papaano maibsan man lang natin nang kaunti,” dagdag pa. RNT/JGC