Home NATIONWIDE eGovPH app umabot na sa 800M transaksyon, 56M downloads — DICT

eGovPH app umabot na sa 800M transaksyon, 56M downloads — DICT

3
0

MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mabilis ang pagdami ng gumagamit ng eGovPH app, na nakapagtala na ng mahigit 800 milyong transaksyon at 56 milyong downloads mula nang ilunsad ito.

Ayon kay DICT Undersecretary for E-Government David Almirol Jr., pitong beses na tumaas ang paggamit ng app sa nakalipas na isang taon at nalampasan nito ang orihinal na target ng ahensya na 30 milyong users pagsapit ng 2028.

Sa kasalukuyan, umaabot sa 100,000 downloads kada araw ang naitatala ng app.

Ang eGovPH ay nagsisilbing one-stop platform para sa iba’t ibang serbisyo ng gobyerno, kabilang ang digital IDs, permit, lisensya, mga serbisyo ng pambansa at lokal na pamahalaan, at mga reklamo. Ito ay binuo ng mga tauhan ng DICT at nakakonekta na sa mahigit 1,300 government systems.

Sinabi ni Almirol na bahagi ito ng layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapalapit sa mamamayan ang mga serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng teknolohiya at mabawasan ang pila at red tape.

Gayunman, dahil sa biglang pagdami ng users, nagkaroon ng limang oras na service interruption noong Abril matapos maubos ang kapasidad ng cloud resources ng sistema.

Ayon sa DICT, nagpatupad na sila ng backup at redundancy systems upang maiwasan ang kahalintulad na problema at nakikipag-ugnayan na rin sa Department of Budget and Management para sa karagdagang pondo.

Opisyal na inilunsad ang eGovPH app noong Enero 2024. Sinusuportahan ito ng Republic Act No. 12254 o E-Governance Act, na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Setyembre 2025, na nag-uutos sa mga ahensya ng gobyerno na magbigay ng online services at isama ang mga ito sa eGovPH platform. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here