Home METRO Eksperto: Flood control projects sa NCR ‘di pangmalakasang baha

Eksperto: Flood control projects sa NCR ‘di pangmalakasang baha

134
0

MANILA, Philippines- Sinabi ng isang disaster scientist nitong Biyernes na minor flooding lamang ang kayang pangasiwaan ng flood control projects sa Metro Manila.

Inihayag ni Mahar Lagmay, executive director ng University of the Philippines Resilience Institute, na wala pang flood control infrastructure sa Metro Manila na kayang mangasiwa ng malawakang pagbaha.

“Yung mga flood control projects natin, ang kaya niya as of the moment, ang nakikita ko ay yung mga maliliit at katamtamang baha,” anang eksperto sa isang panayam.

“Kapag ang usapan na po natin ay ga-Ondoy na baha, iba pong usapin yun, dahil mao-overwhelm pa rin yung infrastructure. Kasi hindi po natin kayang gumawa pa ng para sa buong Metro Manila ng infrastructure na kakayanin yung napakalaking mga baha.”

Nitong Huwebes, isinisi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa climate change at hindi wastong pagtatapon ng basura ang malawakang pagbaha sa bansa.

Subalit, kinuwestiyon ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang bisa ng kasalukuyang flood control measures at ang paggamit ng annual budget na inilaan para sa mga proyektong ito.

Base kay Escudero, halos P255 bilyon ang inilaan para sa flood control projects ng DPWH sa P5.768 trilyong national budget para sa 2024, na nauna na niyang sinita dahil masyado umanong malaki kumpara sa ibang mga kritikal na sektor.

Iginiit pa ni Lagmay na makatutulong ang wastong pagpaplano ng paggamit ng lupa sa capital region sa pagpigil sa matinding baha.

“Ang isang nakikita kong malaki among others is that ang Metro Manila ay napaka-congested…Ito ay congested, crowded pati yung mga lugar na natural na parte ng ilog,” wika niya.

“So babalik tayo sa land use planning. Kailangan i-consider natin yung mga lugar, iwas sa mga bahaing lugar para kahit dumating yung baha, wala tayong pinaguusapang disaster.”

Isinailalim ang Metro Manila sa state of calamity nitong Miyerkules dahil sa malawakang pagbaha sa ilang lungsod dulot ng Southwest Monsoon (Habagat) na pinalakas ni tropical cyclone Carina. RNT/SA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here