Home METRO Ekstensyon ng LRT-1 operating hours gumulong

Ekstensyon ng LRT-1 operating hours gumulong

MANILA, Philippines- Palalawigin na rin ng Light Rail Transit Line 1 (LRT 1) ang kanilang operating hours tuwing weekdays simula ngayong Marso 26 upang maserbisyuhan ang higit pang mananakay sa gabi tulad ng Metro rail Transit 3 (MRT 3).

Ngunit habang ang MRT 3 ay nagdagdag ng oras sa pagtakbo nito simula Marso 24, ang LRT 1 ay tatakbo lamang ng dagdag na 30 minuto mula Lunes hanggang Biyernes.

Inihayag noong Martes ng pribadong operator ng LRT 1, Light Rail Manila Corp. (LRMC), na sa ilalim ng bagong iskedyul, ang huling tren sa istasyon ng Dr. Santos ay aalis ng alas-10:30 ng gabi habang ang nasa istasyon ng Fernando Poe Jr. ay aalis ng alas-10:45 ng gabi.

Ang mga oras ng pagbubukas ay mananatiling pareho.

Sinabi ni LRMC president at CEO Enrico Benipayo na ang hakbang ay alinsunod sa panawagan ng Department of Transportation (DOTr) para sa mas mahabang oras ng operasyon.

Sinabi ng LRMC na istratehikong magpapakalat ito ng mga tren at magpapatakbo ng mas maraming sasakyan kung kinakailangan para sa kaginhawahan ng riding public.

Samantala, mas mataas na ang babayaran ng mga pasahero sa Abril 2 matapos aprubahan ng gobyerno ang petisyon ng railway operators para sa taas pasahe.

Ang base retae ay tataas sa P16.25 mula sa P13.29 habang ang karagdagang pamasahe kada kilometro ay tataas sa P1.47 mula sa P1.21.

Ang isang end-to-end ride ay nagkakahalaga ng P55, mas mataas mula sa kasalukuyang P45, habang ang minimum na pamasahe ay tataas sa P20 mula sa P15.

Sinabi ni Benipayo na ang fare hike ay makakatulong sa kompanya na maabwi ang P45 bilyong halaga ng mga pamumunuhan sa nakalipas na siyam na taon upang i-upgrade ang train system. Jocelyn Tabangcura-Domenden