MANILA, Philippines- Sinabi ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation nitong Huwebes na balik-normal na ang trapiko matapos muling buksan ang northbound lanes sa Marilao Interchange Bridge.
Sinabi ni NLEX Corp. assistant vice president for traffic operation Robin Ignacio na madaraanan na ang apat na Marilao northbound lanes mula ala-1 ng madaling araw ng March 26, 2025.
“Simula kanina, around 1:00 a.m., bumilis na ang daloy ng traffic natin at tuloy-tuloy nga po na fast moving ang ating traffic. Open lanes na po tayo lahat,” pahayag ni Ignacio sa isang panayam.
Ayon pa sa kanya, ang koleksyon ng toll fees sa kahabaan ng NLEX ay nananatiling suspendido hanggang nitong Miyerkules ng umaga.
Pinasalamatan naman ng Department of Transportation (DOTr) ang NLEX Corp. sa pagbubukas ng lahat ng apat na lanes nang mas maaga ng isang linggo sa nakatakdang iskedyul.
“This will now allow close to normal travel times, so that commuters and motorists on NLEX can spend more valuable time with their families and reach their destinations promptly,” pahayag ng DOTr.
Naantala ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng dalawang northbound lanes ng NLEX matapos mapinsala ng trailer truck ang Marilao Interchange Bridge noong March 19.
Pansamantalang isinara ang ilang bahagi ng NLEX northbound lane sa ilalim ng Marilao Bridge para sa safety repair works. RNT/SA