Home NATIONWIDE DOJ chief Remulla kinuwestiyon ni Cayetano sa ‘reasonable time’ na dapat ibigay...

DOJ chief Remulla kinuwestiyon ni Cayetano sa ‘reasonable time’ na dapat ibigay kay Digong bago arestuhin ng ICC

MANILA, Philippines- Kinuwestiyon ni Senador Alan Peter Cayetano si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kung naibigay ba kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang “reasonable time” na idulog sa local na korte ang warrant of arrest na galing sa International Criminal Court (ICC).

Hiniling ni Cayetano kay Remulla na muling pag-aralan kung gaano ba kahaba ang “reasonable time” na dapat ibinibigay sa isang Filipino tulad ni Duterte upang kwestiyunin sa korte ng Pilipinas ang anumang warrant of arrest na galing sa banyagang tribunal.

Inihayag ito ng senador sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on foreign relations noong Marso.

Tinalakay sa pagdinig ang legalidad ng pag-aresto kay Duterte sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) na ipinadaan sa Interpol.

Isa sa mga pinag-usapan, kung sapat ba ang oras na naibigay kay Duterte upang makapaghanda nang maayos na depensa bago tuluyang inilipad patungong The Hague.

Binanggit ni Cayetano ang Section 14 ng 1987 Philippine Constitution na nagsasaad ng “due process” para sa sinumang akusadong Pilipino, kabilang ang “right to be heard” o maipagtanggol ang sarili sa lokal na hukuman.

Punto niya, kasama sa due process ang mabigyan ng sapat na oras ang akusado upang makahanap ng mahusay na abogado at makapaghanda nang maayos na petisyon.

“Y’ung due process doon is precisely that the best defense is made available to you,” pahayag ni Cayetano.

“The quality of the petition you file is also part of due process. Meaning, having enough time with your lawyer, being able to choose kung sino ang lawyer,” dagdag niya.

Giit ng senador, ang 10 oras na lumipas bago tuluyang dinala ang dating Pangulo sa The Hague ay hindi sapat para makabuo man lang ng matibay na petisyon na ihahain sa Korte Suprema.

“Ako lang, two days na ako nag-aaral sa hearing na ‘to, ang hirap na. I don’t think I’ll be able to put together a really good petition to give to the Supreme Court in two days,” aniya.

Sumang-ayon naman si Atty. Alexis Medina, isang law professor at resource person sa hearing, sa punto ni Cayetano.

“It’s arguable that the opportunity to get quality legal service and the opportunity to submit a quality legal work should also be part of the guarantee of reasonable opportunity for due process,” pahayag ni Medina.

“Six working hours to seek relief from the courts may not be characterized as a reasonable opportunity to be heard. That’s my personal opinion,” dagdag niya.

Hinimok ni Cayetano si Remulla na pag-aralan ang nasabing isyu upang matiyak na may sapat na proteksyon ang sinumang Pilipino sa hinaharap, lalo’t may kumakalat na balita tungkol sa posibleng ikalawang bugso ng ICC warrants.

Positibo namang tumugon si Remulla dito.

Makailang beses nang iginiit ni Cayetano na lahat ng Pilipino, anuman ang katayuan sa buhay, ay may karapatang dumaan sa tamang proseso at tumakbo sa korte ng Pilipinas upang kwestyunin ang anumang kasong nakasampa laban sa kanila. Ernie Reyes