Reading, UK – Inaasahang magtatala ng bagong rekord sa lakas ang kasalukuyang El Niño, ayon sa eksperto na si Tim Stockdale ng European Centre for Medium-Range Weather Forecasts (ECMWF).
Ayon kay Stockdale, ipinapakita ng mga forecast model na magiging “extreme” ang El Niño ngayong taon.
“I think it’s absolutely true to say we’ve never had a forecast of an El Niño that was so strong and so consistent across (forecast) models.”
Sinabi rin niya na sa mahigit 30 taon niyang pag-aaral sa El Niño, ngayon lamang siya nakakita ng ganitong kalakas at pare-parehong forecast.
“I would expect it to break records, but no guarantees.”
Ang El Niño ay nagdudulot ng pag-init ng tubig sa gitna at silangang bahagi ng equatorial Pacific Ocean, na nagbabago sa hangin, presyon, at pattern ng pag-ulan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Karaniwan itong nangyayari kada dalawa hanggang pitong taon at tumatagal ng humigit-kumulang siyam hanggang labindalawang buwan.
Kapag pinagsama sa epekto ng climate change, nakatulong ang nakaraang El Niño upang maging ikalawang pinakamainit na taon ang 2023 at pinakamainit na taon ang 2024 sa kasaysayan.
Nagbabala ang mga eksperto na maaaring magdulot ang malakas na El Niño ng matinding tagtuyot sa ilang lugar at malalakas na pagbaha sa iba. RNT/MDS