Home NATIONWIDE Election candidates na may kwestyonableng birth registration, busisiin – Legarda

Election candidates na may kwestyonableng birth registration, busisiin – Legarda

MANILA, Philippines – Ipinanukala ni Senador Loren Legarda nitong Huwebes, Oktubre 3, sa Commission on Elections (Comelec), Philippine Statistics Authority (PSA) at local civil registries na busisiin ang birth registration ng mga kwestyonableng indibidwal na tatakbo sa iba’t ibang pwesto sa 2025 national at local elections.

Ang panawagan ng mambabatas ay kasunod ng posibilidad na mas maraming mga dayuhan, na may pekeng Philippine birth certificates, ang tumakbo sa politika gaya ng kaso ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.

“Dapat suriin ngayon ng Comelec, ng PSA, lahat ng kumakandidato, lahat ng may mga question d’yan… Trabaho yan ng PSA at ng local civil registries na tingnan sa mga kandidato sino ang mga naisyuhan,” saad sa pahayag ni Legarda.

“Tingnan sino ang nag-file after October 8. Sa lahat ng nag-file…’yung mga medyo baguhan or maski na, malay mo, meron diyan reelectionist pero alam niyo parang di Pilipino,” dagdag niya.

Binanggit ni Legarda ang mga ulat na may ilang local civil registries na nakapag-isyu ng authentic birth certificates sa foreign nationals, na karamihan ay sa pamamagitan ng late registration.

Dahil dito ay naghain ng resolusyon si Legarda at Senador Raffy Tulfo na nananawagan ng imbestigasyon sa pagbibigay ng ilang local civil registries ng birth certificates sa mga dayuhan sa pamamagitan ng late registration.

“Hindi pwede mabili ang ilang mga grupo sa ahensya ng gobyerno. Yun nga ang sinabi ko, napasok na tayo ng sindikato…They are in our midst. That’s a national security issue,” ani Legarda.

“This resolution is very important and as a senator, we should investigate it in aid of legislation. So what legislation will come out of this that we will have to assess,” dagdag pa ng senador.

Inihain ang Senate Resolution 1200 noong Setyembre 17 na bumabanggit sa datos ng PSA na nagpapakita ng “alarming number of discrepancies in birth certificate registrations, including 308 instances of fake birth certificates submitted for passport applications between January and September 2023, with six of these belonging to foreign nationals who were issued Philippine passports.”

Samantala, sinabi ni Legarda na dapat umaksyon ang Comelec na idiskwalipika si Guo sa oras na maghain ito ng certificate of candidacy para sa 2025 polls.

“Baka naman tatakbo pa yung babaeng nakakulong… Dapat hindi payagan ng Comelec… Dapat may gawin ang Comelec para i-disqualify siya,” ani Legarda.

“Magkaroon sana tayo ng hotline, Facebook page ayan. Report foreign nationals who are either in the barangay level or [Sangguniang Bayan] or [Sangguniang Panlalawigan] or mayors or whatever. Dito kailangan ng mga marites sa kada barangay,” pagpapatuloy niya.

“I think the Filipino people must expose and we must not suffer in silence and be victimized by another Alice Guo.” RNT/JGC