MANILA, Philippines – Inirekomenda ng fact-finding panel ng Commission on Elections (Comelec) ang paghahain ng kasong election offense laban kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para sa umano’y misrepresentation sa kanyang certificate of candidacy (COC) nang siya ay tumakbo noong Mayo 2022 elections.
Sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia na ito ay base sa ulat na isinumite ng panel nitong Huwebes.
Sinabi ni Garcia na ang rekomendasyon ay agad na pag-aaralan ng Comelec en banc.
Ayon kay Garcia, napatunayang din sa investigation panel na ang lahat ng fingerprints nung anim na tao – dalawa sa National Bureau of Investigation (NBI), isa sa Bureau of Immigration (BI), 3 sa COC, application for voter registration, at Election Day Computerized Voters List (EDCVL) ng Comelec – ay pare pareho at isang tao lang may-ari ng fingerprints at base sa findings ng mga eksperto at investigating panel , ito ay kay Mayor Guo.
Pagpapasyahan aniya ng pitong miyembro ng Comelec en banc ang rekomendasyon ng panel sa susunod na linggo.
“Kung sakali ang action ng Commission ay adopt ang recommendations ng law department, magkakaroon naman ng preliminary investigation at makakasagot naman si Mayor Guo ” dagdag pa ni Garcia.
Ginawa ang fact-finding panel upang matukoy kung si Guo ay gumawa ng mga maling pahayag sa kanyang COC.
Sa kabilang banda, ipinakita sa ulat ng BI na isang Guo Hua Ping ang pumasok sa Pilipinas noong Enero 12, 2003 noong siya ay 13 taong gulang habang iniulat ng NBI na ang mga fingerprint ni Mayor Guo ay tumugma sa fingerprints ni Guo Hua Ping.
Sa kanyang COC, ipinahiwatig ng alkalde ng Bamban na ang lugar ng kanyang kapanganakan ay Tarlac, Tarlac at 35 taon at dalawang buwan nang naninirahan sa Pilipinas.
Noong Lunes, naghain ang Office of the Solicitor General (OSG) ng quo warranto petition para patalsikin si Guo sa kanyang puwesto bilang alkalde ng Bamban dahil hindi siya Pilipino.
Sinabi ng OSG na si Guo ay isang Chinese national at hindi karapat-dapat na tumakbo para sa anumang elective public office. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)