MANILA, Philippines- Isinailalim Ipinasasailalim na sa Comelec control ang isang lugar sa Maguindanao del Norte kasunod ng pananambang at pagpatay sa election officer nito at kanyang asawa.
Kasabay ito ng kumpirmasyon ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na namatay na rin ang kanilang Election Officer sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte sa naganap na pananambang kaninang umaga.
Ayon kay Garcia, irerekomenda niya sa Comelec en banc na ipasailalim sa Comelec control ang nasabing bayan dahil sa usapin ng seguridad.
Giit ni Garcia, hindi na sila papayag na masundan pa ang nasabing karahasan.
Sa ngayon aniya ay wala pang nakikitang motibo sa pagpaslang at ang usapin ay ipinauubaya na sa pulisya at militar at hinihintay nila ang report ng mga ito ngayong araw.
Nauna nang nasawi sa insidente ang asawa ni Atty. Maceda Abo, Election Officer ng Datu Odin Sinsuat matapos silang paulanan ng bala ng mga hindi pa kilalang salarin habang sakay ng SUV sa Cotabato-Shariff Aguak Road, Brgy. Makir, Datu Odin Sinsuat.
Ikinalungkot naman ni Garcia ang nangyari lalo pa’t ika-apat na pag-atake sa mga lokal na opisyal ng Comelec kung saan ang nakaligtas lamang ay ang Provincial Election Supervisor ng Sulu. Jocelyn Tabangcura-Domenden