PALAWAN-LASLAS ang leeg at naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ang isang election officer at kanyang misis na may sugat sa ulo matapos umanong looban ng mga hinihinalang magnanakaw, gabi ng Setyembre 20 sa bayan ng Agutaya.
Kinilala ang mga biktimang sina Agutaya Municipal election officer Emmanuel Gacott at misis nitong si Frenie, kapwa residente ng Barangay Cambian, ng nasabing bayan.
Batay sa report ng Agutaya Municipal Police Station (MPS) bandang 8:30 AM nang madiskubre ng kanilang kapitbahay ang bangkay ng mag-asawang Gacott.
Sa pagresponde ng mga awtoridad, nakita ang katawan ni Emmanuel sa kanilang kuwarto at laslas ang leeg habang ang kanyang asawa ay sa kusina na may sugat sa ulo.
Naniniwala ang mga awtoridad na pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil mayroon negosyong pawnshop ang mag-asawang Gacott.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng Palawan Provincial Police Office (PPPO) para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at agaran ikadarakip. Mary Anne Sapico