BUONG-TAPANG na tinututulan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang panawagan para sa “resign all” ng mga opisyales ng pamahalaan at “snap elections” kung walang ‘electoral reform’ o makabuluhang reporma sa gobyerno.
Lehitimo ang galit sa korapsyon ng taumbayan subalit binigyang-diin ng LCSP na ang paghahalal sa ilalim ng bulok na sistema ay lalong magpapalala sa krisis sa halip na magdulot ng solusyon.
Para sa LCSP, mapanganib ang snap elections sa bulok na sistema sapagkat pawang ang maluluklok lang ay parehong korap na politiko. Bakit? Mananatili kasing laganap ang vote-buying, pandaraya sa voter registration, at pagsasamantala sa kahirapan. Ginagamit ng maraming kandidato ang nakaw na yaman para pondohan ang kampanya—isang siklong hindi masisira nang walang repormang istruktural.
Sa pagkawala naman ng mamumuno kapag nagkaroon ng resign all o pagbaba sa pwesto ng lahat ng opisyales ng pamahalaan, malaki ang posibilidad na magkaroon ng banta sa seguridad at katatagan ng ating bansa. Kung magbibitiw ang lahat ng opisyales, magdudulot ito ng vacuum sa pamumuno na maaaring samantalahin ng mga diktador o grupong mapagsamantala.
Kailangan ang konkretong reporma at hindi isang simbolikong aksyon kaya naman imbis na pagtuunan ng pansin ang pangkalahatang pagbibitiw, panawagan ng LCSP na magkaroon muna ng mga electoral reform tulad ng:
1. Automated at transparent na pagbilang ng boto na may real-time public monitoring.
2. Pagbabawal sa kandidatong may kaso ng electoral fraud o korapsyon.
3. Edukasyong pambotante para wakasan ang padrino system at tradisyunal na pulitika.
4. Strict campaign finance audit upang sugpuin ang “pamimili ng boto”.
Isa pang kailangan ay magkaroon ng pagtutuos na magiging susi sa pagbabago. Dapat unahin ang mabilis na paglilitis sa mga sangkot sa korapsyon. Kailangan ang espesyal na korte, proteksyon sa “whistleblower” at pagpapaigting ng proseso. Giit ng LCSP: “Ang hustisyang inantala ay hustisyang ipinagkait” (Justice delayed is justice denied).
Ang snap election nang walang reporma ay pantapal lamang sa malalim na sugat. Tanging sa pagtitibay ng sistema at pagpapanagot sa mga salarin upang makakamit ang tunay na pagbabago. Gaya ng paalala ng LCSP: “Tapos na ang panahon ng half-measures—dapat magsimula na ang laban para sa istruktural na pagbabago.”
——————————-
Atty. Ariel Inton
Founder
Lawyers for Consumers Safety and Protection
09178174748






