Home OPINION INSERTION: HALOS LAHAT O LAHAT?

INSERTION: HALOS LAHAT O LAHAT?

337
0

MAY pinag-aawayan ngayon sa Senado — ang salitang INSERTION.

Lalo sa 2025 na pambansang badyet.

Ayon kay Senador Ping Lacson, halos lahat may insertion o isiningit.

Para kay Sen. JV Ejercito, hindi lang halos lahat kundi lahat may insertion.

Para kay Sen. Ping, nasa P100 bilyong halaga ng mga proyekto ang isiningit sa nasabing badyet.

Isang hindi malinaw rito kung kasama ang insertion o amendment sa Bicameral Conference committee, bukod sa insertion o amendment mismo habang tinatalakay pa ang badyet bago mag-Bicam.

MASAMANG DATING

Makaraang magsalita si Sen. Ping, nagkagulatan lahat at nagkaroon ng masamang impresyon dito, hindi lang sa hanay ng mga mamamayan kundi sa hanay ng mga senador mismo.

Ang salitang insertion kasi, sa kainitan ng imbestigasyon sa flood control projects, masama ang dating.

Kakambal ng insertion ang pakikialam ng mga mambabatas sa paglalabas ng pondo para sa proyekto at proyekto mismo at ang pinakamasama, pagkakaroon ng kikbak.

Nagkaroon naman ng paglilinaw makaraan at nagkakaintindihan ang higit na nakararaming senador at may mamamayan ding nakaintindi.

Anila, hindi masama ang insertion na kung tawagin ay amendment din dahil proseso ito na ginagawa ng lahat ng mambabatas para maituwid ang mga pagkakamali o pagkukulang sa panukalang badyet ng Palasyo na National Expenditure Program kung tawagin.

Dito malinaw na may dagdag-bawas sa NEP at pananatili naman sa ibang mga bahagi nito at maging sa Bicam..

Pero bago at makalipas ang paliwanagan, hindi na maganda ang dating sa mga mamamayan na nagiging biktima ng mga malawakang insertion o amendment na may kikbak.

May mga mamamayan nang nagsasabi na amendment man o insertion ang mga ginagawang pagbabago sa NEP at maging sa Bicameral Conference Committee o small committee, nakatatak na sa isipan nila na may mga kikbak dito, totoo man o hindi.

HINDI KASALI ANG MGA KONGRESMAN

May ibinunga pang hindi rin maganda ang kontrobersya.

Malinaw o tila nililibre umano ang mga kongresman sa mga may insertion.

Nasa 67 kontraktor-kongresman ang hindi na umano nababanggit ngayon.

Hindi rin nababanggit ang Leyte na number 7 sa listahan ng mga may pinakaraming proyekto.

Maging ang sinasabi ni Manong Chavit Singson na Ilocos Norte na dapat din umano sanang imbestigahan dahil may mga Discaya project sa 224 proyekto roon at may iba pang kontraktor na bilyon-bilyon piso ang nakorner nito.

REMEDYO?

Ngayon, tuloy ang mga rali, partikular sa Bulacan at Pampanga at hindi lamang noong Setyembre 21 na nag-away ang mga grupong may tatak na Marcos Resign at grupong walang Marcos Resign at hanggang mga kurakot lang.

Ngayon naman, may nananawagan ng pag-resign ng lahat ng mga opisyal at magtatag ng revolutionary government habang may naglalakad para sa snap election.

May nagsasabi namang ipaubaya na lang ang lahat sa Independent Commission on Infrastracture ngunit pinagduduhan na rin dahil higit na piniiral nito ang sikretong imbestigason kaysa transparency o pagiging bukas sa publiko.

Ano nga ba, mga Bro, ang mga dapat gawin sa gulo sa gobyerno ngayon na sa suspetsa ng iba, eh, pinakikialaman o minamaniobra na rin ng mga makapangyarihang dayuhan para pansarili nilang interes?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here