MANILA, Philippines- Kakandidatong senador ang isang electrician at isang lalaking sinasabing “fiance” siya ni Sen. Imee Marcos, sa 2025 elections.
Inihain ni Alexander Encarnacion, isang electrician at karpentero, ang kanyang certificate of candidacy (COC) nitong Martes, sa unang araw ng COC filing.
“Ang isang electrician at carpenter ay malaki ang magagawa para sa ating bansa,” wika niya.
Ani Encarnacion, naghain siya ng COC sa dalawang nakalipas na eleksyon subalit nadiskwalipika siya dahil sa pagiging nuisance candidate.
“Wala po akong pera, eh. Ang sinasabi nila, wala kayong kakayahan magkampanya nationwide,” giit niya.
Samantala, nagtungo naman si Daniel Magtira, sinabing nais niyang pakasalan si Marcos, sa COC filing venue sa Manila Hotel tent, subalit hindi pa niya naihahain ang kanyang COC.
Noong 2021, sinabi rin niyang asawa siya ng aktres at host na si Kris Aquino.
“Si Kris Aquino hindi ko alam kung nasaan siyang planeta eh, kaya magpapakasal na lang ako kay Imee Marcos,” ani Magtira nitong Martes.
Noong 2021, naghain din siya ng COC para sa pagka-presidente sa 2022 elections.
Gugulong ang COC filing hanggang Oct. 8.
Si Agri party-list Rep. Wilbert Lee ang unang senatorial aspirant na naghain ng kanyang COC. RNT/SA