MANILA, Philippines- Inihayag ng isang kilalang businesswoman at content creator na si Rosmarie “Rosmar” Tan-Pamulaklakin ang pagnanais nitong maglingkod bilang konsehal sa unang distrito ng Maynila makaraang maghain ito ng certificate of candidacy (COC) nitong Martes, Oktubre 1.
Ayon kay Rosmar, nagdesisyon siyang pasukin ang mundo ng politika dahil mas marami daw umano itong matutulungan kapag nasa posisyon na siya ng gobyerno.
Bukod kay Rosmar, naghain naman ng COC bilang alkalde ng lungsod ng Maynila ang isang indibidwal upang kalabanin ang dalawang higanteng magsasalpukan sa pagka-Mayor sa kabisera ng bansa.
Ayon sa Commission on Election (Comelec), naghain ng kadidatura sa pagka-alkalde ng lungsod ng Maynila si Alvin Karingal na residente ng Distrito 3 ng nasabing lungsod.
Si Karingal ang unang naghain ng kandidatura sa pagka-Alkalde kung saan inaasahang makakasagupa nito ang itinuturing na mga “higante” sa pagka-Mayor ng Maynila na sina incumbent Mayor Honey Lacuna-Pangan at ang dati at magbabalik na Mayor ng Maynila na si Isko Moreno Domagoso.
Bukod kay Karingal, nakapagtala lamang ng nasa 13 ang naghain ng kanilang COC sa pagka-Konsehal sa nasabing lungsod kung saan kabilang dito ang nasa limang konsehal na nasa partido ng Aksyon Demokratiko, isang kapartido ng Asenso Manileño, anim na independent candidate at isang nasa partido ng Frontliners.
Kabilang sa mga naghain ng kandidatura sa pagka-Konsehal ang isang Professional athlete sa larangan na sport na Golf na si Nico Evangelista na residente ng ikalawang distrito ng lungsod at nasa ilalim ng partido ng Aksyon Demokratiko.
Sa panayam kay Evangelista, unang beses pa lang ito sasabak sa larangan ng politika na kung saan namana niya aniya ang dugong politiko sa kanyang lolo na dating naglingkod na Konsehal sa Tondo.
Inaasahan naman ng Comelec na sa mga susunod na araw ay dadagsain pa ng mga nais sumabak sa politika ang kanilang lugar kung saan inihahain ang COC.
Ang paghahain ng COC para sa mga kandidato sa pagka-konsehal, Alkalde at bise-Alkalde sa Maynila, ay simula Okt. 1 hanggang 8, alas-8 hanggang alas-5 ng hapon, kabilang ang araw ng Linggo, sa ika-apat na palapag, Cinema 12, SM Manila. JR Reyes