Home ENTERTAINMENT Elijah, titigil na sa pagganap na beki!

Elijah, titigil na sa pagganap na beki!

Manila, Philippines – Medyo makakahinga na nang maluwag ang magaling at award-winning actor na si Elijah Canlas dahil natapos na ang partisipasyon niya sa seryeng FPJ’s Batang Quiapo.

Dati rati kasi, lagare siya sa dalawang soap, ang nasabing Coco starrer at ang High Street.

Aniya, first time raw niyang gumawa ng dalawang TV series na dati ay hindi niya kayang pagsabayin.

Noong una ay nahirapan din daw siya dahil minsan ay nalilito siya sa kanyang mga karakter.

Gayunpaman, malaking challenge daw sa kanya ang gumanap bilang kontrabida at bida sa nabanggit na mga serye.

Sa tsikahan nila ni Ogie Diaz sa YouTube channel ng vlogger, hanggang ngayon daw ay ramdam pa niya ang sakit ng pagkawala ng kanyang bunsong kapatid na si JM na nagpatiwakal.

Sinisisi rin niya ang kanyang sarili dahil hindi niya ito napaglaanan ng panahon noong dumaranas ito ng depresyon.

Aware raw sila ng pamilya niya na may mental health condition ang kapatid pero dahil sa kaabalahan sa trabaho ay di niya ito natutukan.

Tulad ng kanilang bunso, dumaan din daw siya sa depresyon.

May mga pagkakataon daw noon na muntik na rin siyang bumigay dahil sa bagaheng dinadala at naisip na wakasan ang buhay.

Wake up call naman ang nangyari para mas lalo raw silang mapalapit ng kanyang pamilya sa isa’t-isa.

Sa ngayon daw, naging therapy na rin niya ang trabaho.

Dito raw niya ibinubuhos ang lahat para hindi siya hilahin pababa ng depresyon.

Sey pa niya, awat na rin daw siya sa pagganap sa gay roles na ang pinakahuli ay ang MMFF entry na “All About Us But Not About Us.”

Gusto raw naman niyang ibigay ang pagkakataon sa mga artisyang tunay na miyembro ng LGBTQA+ community na kayang-kaya itawid ang ganoong klase ng mga papel.

Gayunpaman, nanatili raw naman ang pagiging ally niya ng LGBT na mahal din niya. Archie Liao