Home HOME BANNER STORY Sulasok dahilan ng pagkasawi ng mag-utol na paslit sa Pampanga

Sulasok dahilan ng pagkasawi ng mag-utol na paslit sa Pampanga

PAMPANGA, Philippines – Nasawi sa sulasok o pagka-suffocate ang magkapatid na paslit na nakita sa isang sirang kotse na nakaparada sa isang compound nitong Lunes sa Barangay Moras Dela Paz sa Sto. Tomas, Pampanga.

Base sa imbestigasyon, napag-alamang sira umano ang lock ng pintuan ng kotse kung saan nakita ang bangkay ng dalawang batang magkapatid na nasa edad lima at anim.

Lumalabas din sa imbestigasyon na dalawang taon nang nakaparada sa lugar ang kotse dahil sira na ito.

Sarado ang lahat ng salamin ng bintana, at mabubuksan lamang umano ang pinto mula sa labas, at hindi na kapag nagmula sa loob.

“Ang sabi nung caretaker doon, kapag nakapasok na sila dun sa sasakyan at na-lock ito, wala talagang chance na makakalabas sila,” ani Police Captain Jester Calis, hepe ng Sto. Tomas Police.

May hawak na rin ang pulisya na kopya ng CCTV kung saan nakitang naglalaro ang mga biktima noong Sabado ng hapon sa nasabing compound.

Batay sa isinagawang awtopsiya sa kanilang mga labi, suffocation ang sanhi ng kanilang pagkasawi.

Matatandaang, sinabi ng ina ng mga biktima na inakala niyang kasama lang ng mga ito ang ama na nakatira sa ibang barangay.