Home METRO Marinong kadete patay sa ‘parusa’ ng senior officer

Marinong kadete patay sa ‘parusa’ ng senior officer

MANILA, Philippines – Dahil lang umano sa maling reaction sa isang online group chat, patay ang isang kadete ng maritime school sa Laguna matapos “parusahan” umano ng kanilang senior class officer.

Kinilala ng Calamba police ang biktimang si Vince Andrew Delos Reyes, 19-anyos na residente ng Baco, Oriental, Mindoro ay nag-aaral sa maritime academy sa Barangay Canlubang sa Calamba.

Base sa imbestigasyon, nangyari ang insidente noong Lunes, Hulyo 8, subalit naireport lamang sa pulisya nitong madaling-araw ng Martes, Hulyo 9.

Dagdag pa na ipinatawag ng senior class officer ang biktima kasama ang kanyang apat na kaklase dahil umano sa nagawa nitong “offense”.

Ang nasabing offense ay ang aksidente umanong pag-react ng thumbs-up ng biktima sa kanilang group chat ng mga kadete.

Bilang parusa, pinagawa ito ng physical exercises ng senior class officer, subalit sa katagalan, nakaramdam si Delos Reyes ng pangangapos ng hininga hanggang sa tuluyang mag-collapse.

Agad naman siyang idinala sa infirmary at binigyan ng first aid, subalit patuloy na sumama ang kalagayan ng kadete at humina na ang paghinga at ang pulso kaya isinugod na siya sa ospital.

Idineklara siyang dead on arrival ng doktor sa ospital sa Canlubang.

Nakaditene sa Calamba police station ang suspek at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. RNT