MANILA, Philippines – KALABOSO ang isang empleyado ng Manila City Hall nang maaresto sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) makaraang ireklamo ito ng pangongotong sa mga vendor na linggo-linggo nitong kinokolektahan sa Ermita, Maynila.
Ayon kay SMaRT Officer-in-Charge P/Maj. Kevin Rey D. Bautista, inaresto ang suspek na si Christian Lopez y Batac, 48, empleyado ng Manila Hawkers office, ng 1543 Narra St., Tondo, Maynila makaraang ireklamo ng biktimang si Pamela Montoya, 42, vendor, ng San Marcelino St., Ermita.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:45 ng gabi nang arestuhin sa isinagawang entrapment operation ng SMaRT ang suspek sa San Marcelino St., na nasa gilid ng SM Manila makaraang iabot sa kanya ang marked money na nagmula sa kanyang biktima.
Nauna dito, nagtungo sa tanggapan ng SMaRT ang biktima at iniulat ang suspek na nagpakilalang tauhan ng Hawkers ng Manila City Hall na naatasan sa kalinisan at pagtanggal ng mga sagabal sa Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Clearing Operation.
Sa salaysay ng biktima, humihingi umano ang suspek ng halagang limang daang piso (P500.00) kapalit ng immunity sa clearing operation.
Kung hindi aniya ito makakapagbigay ay sisirain nila ang food cart ng biktima. Iginiit pa umano ng suspek na ang halaga na kanyang makokolekta dito ng lingguhan ay ibibigay niya sa tanggapan ng SMaRT.
Dahil dito, nagsagawa ng surveillance at validation ang mga operatiba para maberipika ang katotohanan ng impormasyon at gumawa ng plano para magsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkaka-aresto sa suspek.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa detention cell ng SMaRT at nahaharap sa kasong robbery by extortion. JAY Reyes