Home METRO Empleyado ng TUPAD, sinagip ng BI sa scam hub

Empleyado ng TUPAD, sinagip ng BI sa scam hub

244
0

MANILA, Philippines – Nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) ang isang babaeng na-recruit para magtrabaho sa hinihinalang scam hub sa Cambodia.

Kinilala lamang ng mga opisyal ng BI ang biktima na si alyas ‘Irma’, 30, na nagtangkang umalis sa pamamagitan ng flight ng Philippine airlines papuntang Vietnam noong Agosto 17.

Nabatid sa BI na una niyang sinabi na nagtatrabaho siya sa isang local na kompanya ng konstruksiyon, at maglalakbay nang mag-isa sa Vietnam bilang regalo sa kanyang sarili bilang bahagi ng kanyang pagdiriwang sa kanyang kaarawan.

Napansin ng mga pangunahing opisyal ng inspeksyon ang ilang hindi pagkakapare-pareho sa kanyang mga pahayag, at ni-refer siya para sa pangalawang pagsusuri. Sa mga panayam ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ng BI, inamin ng biktima na papunta talaga siya sa Cambodia kung saan siya inalok ng trabaho.

Inamin umano ng biktima na nagtatrabaho siya sa bansa bilang bahagi ng TUPAD program team, ngunit nais na tuklasin ang mga pagkakataon sa ibang bansa matapos na alukin ng trabaho ng kanyang pinsan sa Cambodia.

Ayon sa biktima, nakausap umano nito ang isang Filipino na nakabase sa Cambodia, na nag-alok sa kanya ng trabaho sa halagang P55,000 kada buwan, ngunit wala siyang ideya sa uri ng trabaho o tungkulin sa kumpanya.

Nakatanggap pa si alyas ‘Irma’ ng P28,000 sa pamamagitan ng kanyang online banking account, ngunit inutusang huwag gumastos ng pera dahil sisingilin ito sa gastos ng kanyang pinsan.

“This is an obvious trafficking scheme where victims are being led to having debts to their recruiters, making it harder to say no,” ani BI Commissioner Joel Anthony Viado. “We suspect that she is being led to work for scam hubs abroad, where numerous repatriates have already recounted their harrowing experiences after being forced to be party of the syndicate,” dagdag pa ni Viado.

Si alyas ‘Irma’ ay isinangguni sa MCIA inter-agency council laban sa trafficking para sa tulong at pagsasampa ng mga kaso laban sa kanyang mga recruiter. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here