BILANG tugon sa direktiba noong Setyembre 8, 2025 na inilabas ni Department of Finance (DOF) secretary at Social Security Commission (SSC) ex-officio chairperson Ralph Recto upang mapabilis ang serbisyo sa mga pensionado at miyembro, opisyal nang inilunsad ng Social Security System (SSS) ang MySSS Card, isang makabagong card na magbabago sa paraan ng pag-akses ng mga manggagawa, pensionado, at kanilang benepisyaryo sa social security benefits at serbisyong pinansyal.
Ayon kay SSS president at chief executive officer Robert Joseph De Claro, dalawang pangunahing layunin ang tinutupad ng MySSS Card, ito ay nagsisilbing opisyal na ID kapalit ng Unified Multi-Purpose Identification (UMID) card, at nagsisilbi rin bilang debit card na nakakabit sa isang savings account.
Ipinaliwanag ni PCEO De Claro na ang card ay may EMV chip at konektado sa Philippine Identification System (PhilSys) eVerify at biometric authentication, na nagbibigay ng ligtas at maginhawang paraan upang ma-akses ng mga miyembro ang SSS benefits at loans, pati na rin ang pamamahala ng kanilang pang-araw-araw na transaksyon. Maaari rin itong gamitin para sa pamimili, pamasahe sa pampublikong transportasyon, at online purchases.
Ang card ay ipamamahagi sa pamamagitan lamang ng mga partner banks ng SSS. Magsisimula ito sa Rizal Commercial Banking Corporation at susundan ng iba pang bangko kagaya ng Asia United Bank, China Bank, at Union Bank of the Philippines. Dagdag pa ni PCEO De Claro, awtomatikong magsisilbing pangunahing disbursement account ng mga miyembro ang MySSS Card.
“Kapag nag-apply ang miyembro para sa MySSS Card, ikakabit agad ng SSS ang kanilang savings account sa partner bank para sa benefits, loans, at iba pang disbursement. Hindi na nila kailangang dumaan pa sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM),” ani ng SSS PCEO.
Simula nitong Oktubre 1, 2025, tatanggap na ang SSS ng aplikasyon para sa MySSS Card. Unang magpapatupad nito ang RCBC sa pamamagitan ng digital arm nitong DiskarTech.






