Home OPINION FREEZE!

FREEZE!

309
0

NANG italaga sa pwesto si DPWH Secretary Vince Dizon, sinabi niyang malinaw ang “marching order” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.: walang sinomang ‘corrupt’ ang paliligtasin — opisyal o empleyado man ng kagawaran, o contractors, gaano man kataas ang tungkulin ng sangkot.

At nakakabilib na ito mismo ang ginawa ni Dizon. Hiniling niya sa Anti-Money Laundering Council na magpalabas ng freeze orders, binigyang-diin na hindi sapat na pangalanan at kasuhan lang ang mga mandarambong. Ang hustisya ay nangangahulugan na obligado silang isauli ang kanilang ninakaw — ang pera ng taumbayan, hindi sa kanila.

Kamakailan lang, nakakuha na ng freeze order ang AMLC, sinaklaw ang 836 bank accounts, 12 e-wallets, 24 insurance policies, 81 sasakyan, at 12 ari-arian — ang kabuuan ay bahagi ng P2.9 bilyon halaga ng frozen assets. Kasunod ito ng dalawang nauna nang order na inisyu ng AMLC na nag-freeze sa mahigit 1,500 accounts, 154 na sasakyan, 30 ari-arian, at 54 insurance policies.

Dahil sa napakaraming sangkot, dapat na bilisan ng AMLC ang pag-aksyon nito. Nakikipagkarerahan sila sa mga suspek na sanay kumilos nang mas mabilis kaysa batas. ‘Double time’ ang kailangan, AMLC Executive Director Atty. Matthew M. David!

Nailatag ni Sen. Francis Pangilinan ang puntong ito noong nakaraang linggo nang sinita niya ang LandBank sa Malolos sa pagpapahintulot sa Syms Construction ni Sally Santos na mag-withdraw ng P457 milyon cash, na umano’y kickbacks para sa isang sinibak na engineer ng DPWH.

Halos kalahating bilyong piso ang na-withdraw sa loob ng dalawang araw — at hindi man lang humiling ng manager’s check ang bangko. Kung walang kasuspe-suspetsa roon, ano ngayon ang tawag doon? Mabait pa kung tatawagin iyong kapabayaan. Mas malapit pa marahil sa katotohanan ang kutsabahan.

Samantala, ibinunyag mismo ni Dizon na aabot sa P5 bilyon ang kabuuang halaga ng mga sasakyang panghimpapawid na iniuugnay kay dating Rep. Zaldy Co at sa kapatid niyang si Christopher. Mula sa isang $36-million Gulfstream jet hanggang sa $16-million Agusta helicopters, maging ang isang Bell 505 na idinadawit sa isang malaking contractor — ang lahat ng ito ay dapat na mai-freeze bago pa maglahong parang bula. Ayon sa ilang ulat, may nagtangka na umanong i-deregister ang mga ito sa CAAP. Hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa ang AMLC; dapat nitong bilis-bilisan ang pagkilos.

Pero habang tumitindi ang pagtugis, ang magkasunod na pagbaba sa pwesto ni Zaldy Co — nang permanente mula sa Kamara — at ni Maynard Ngu mula sa isang property firm matapos madawit bilang umano’y bagman ni Sen. Chiz Escudero ay walang anomang bigat para sa publiko. Walang alinman sa mga resignation na iyon ang nagbibigay ng immunity mula sa imbestigasyon, lalo na sa paglilitis. Ang resignation letter ay hindi isang baptismal certificate na bigla na lang maghuhugas sa kanilang mga kasalanan.

Ano na ngayon ang kahihinatnan ng Ako Bicol, ang party-list na matagal nang pinamumunuan ni Co? Wasak na ang kredibilidad nito. Pakiramdam ko, walang maitutulong ang pagpalit sa kanya ng abogadong nominee na si Jan Franz Norbert Joselito Chan para malinis ang organisasyon mula sa duming kumulapol dito.

Sabi nga ng isang witty ang pagkakomento online, ang pangalan pa lang ni Chan ay masyado nang maraming “insertions” — tulad lang ng bilyon-bilyon na umano’y naisingit sa budget sa ilalim ng liderato ni Co.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here